“Ayan ganyan nga. Tapos heto dapat ganito.” sabi ni Rene sa anak habang ito ay tinuturuan. Ang anak niyang si Lito ay apat na taong gulang pa lamang ngunit naturuan na ni Rene itong magsulat ng kanyang pangalan. Tampok lagi sa usapang barkada ang kanyang panganay na anak at ang mga nakatutuwang nagagawa nito sa edad na apat. Tatawagin ang anak at pauupuin sa kanyang malaking palad at saka itataas. “Ito ang tropeyo ko!” buong pagmamalaki nito. Kung minsan ay naiinis na ang barkada dahil kahit inuman o hindi ay lubos ang kayabangan ni Rene kapag ang mga anak ang pinag-uusapan pero likas lang iyon kay Rene.
Nang ipanganak ang ikalawang anak na babae ay lalong naging lubos ang kaligayahan ni Rene pagkat kumpleto na siya. “Wala na akong hahanapin pa! Dalawa na ang tropeyo ko!” pagmamalaki nito sa barkada.
Sinuklian din ang hirap niya sa kanyang pagtuturo sa mga anak. Nuong kinder ay kinausap ng guro ni Lito si Rene at ang kanyang maybahay. Nababahala ang dalawa dahil hindi nila alam kung bakit sila ipinatawag ng guro.
“May problema po sa anak niyo, pero hindi po ito masama bagkus ito po ay mabuting balita sa inyo.” at hinaplos ng guro ang ulo ng batang si Lito at kinuha ang isang textbook ng mga estudyante sa kanyang lamesa. “Wala na po akong maituturo pa sa anak niyo.” inilipat ang pahina ng textbook sa pinakahuling pahina. “Tingnan niyo po ito.” at matapos ay inakbayan si Lito. “Lito, basahin mo ito.” at intinuro ang isang pangungusap sa textbook na hawak nito.
“Natuwa.. ang.. mga.. magsasaka... sa... pagya..bong... ng.. kanilang.. mga.. palay.” basa ni Lito.
Hindi pa rin maunawaan ng magulang ang sitwasyon ng kanilang anak kaya minabuting ipaliwanag ito ng guro. “Gaya po ng sabi ko, wala na akong maituturo pa sa anak niyo dahil ang mga kaklase po niya ay nag-aaral pa lang bumasa pero ang anak niyo ay nagbabasa na at nababasa na niya ang mga nandito sa huling pahina ng textbook ng klase. Marunong na rin po siyang magsulat ng lahat ng letra at kanyang pangalan samantalang ang mga kaklase niya ay nag-aaral pa lang magsulat. Mas makabubuti pong ilipat na po niyo siya sa Grade 1. Dayain na lang po ninyo ang birth certificate. Kasi kung mamamalagi pa siya dito sa klase ay babagal lang ang kanyang progreso.” muling hinaplos ang ulo ni Lito at niyakap. “Mabait pa po ang inyong anak, malulungkot ako kung mawala siya sa klase ko.”
Dahil sa nangyari ay lalong naging mayabang si Rene sa kanyang mga anak lalo sa kanyang panganay. Nang tumuntong ng high school ang panganay ay labis pa rin ang kasiyahan ni Rene. Minsan nakita niyang nag-aaral ito at nagkakamot. “Anak! pasensiya na hindi na kita kayang turuan. Ika-anim na baitang lang inabot ko eh. Kung kailangan mo ng tulong sa nanay mo na lang ikaw magtanong ah.” nahihiyang sabi nito sa anak. “Naiintidihan ko po wag kayong mag-alala.” masayang sagot ni Lito.
Mahal ni Rene ang kanyang mga anak ngunit hindi sapat iyon upang mapanatili ang pamilya niya. Napa-barkada sa mga mabibisyo si Rene at natutong mag-bisyo at dahil dito ay nagkaroon ng hindi pagkaka-unawaan ang mag-asawa na dahilan upang sila ay magkahiwalay. Malungkot si Rene sa mga pangyayari at dahil dito ay lalong nalulong ito sa mga bawal na gamot at kung ano-ano pang bisyo upang malimot lamang ang kanyang kalungkutan.
Ang bisyo niya ay nagsilbing lason sa kanya at sa kanyang relasyon sa pamilya. Lalong napalayo ang loob ng kanyang mga anak na higit na ikinalungkot ni Rene. Nagtapos ng high school ang kanyang panganay ng may parangal at maging ang ikalawa niyang anak ay humakot din ng mga parangal. Naganap ang lahat ng ito ng di man lang nasilayan ni Rene ang kanilang tagumpay.
Habang sabog na nakitingin sa kisame dulot ng shabu ay patuloy sa pagluha si Rene. Maging sa sabog na sitwasyon niya ay di na siya tinatakasan ng kalungkutan. Tuluyan na ba siyang nalimot ng kanyang pamilya? Ng kanyang mga tropeyong patuloy na kumikinang ng di niya namamalayan?
“Paano kaya kung nagbago ako maibabalik ko pa kaya ang pamilya ko?” tanong sa sarili ni Rene. “Pero huli na ang lahat.” bawi ni Rene.
Minsang bumisita ang panganay niya sa kanyang tinutuluyan ay nakita nito ang mga aluminum foil at basyo ng ballpen sa ilalim ng kanyang higaan. Natanong kung para sa droga daw ba iyon. Pinasinungalingan niya ang mga paratang na ito kahit alam niyang hindi niya makukumbinsi ang panganay niya. Pinagsabihan lamang siya ng anak at pina-alalahanan. Natuwa si Rene dahil sa nakita niyang pag-alala ng anak pero may kurot sa puso din itong nadarama. Alam niyang hindi totoo lahat ng sinabi niya pero paano pa siya hihinto?
Naging mabilis ang pag-ikot ng mundo ni Rene habang patuloy siya sa paglubog. Nawalan ito ng trabaho kung kaya napilitan siyang mamundok. Doon ay madaling mabuhay, magtanim lang ng gulay at mag-alaga ng manok ay buhay na siya. Ang pagbabago niya ay naging panadaliaan lamang pero bumalik ito sa dati ng mapasama sa mga barkadang mabisyo.
Ang tanging naging libangan niya pamimingwit, pagtatanim ng gulay at maging sabog. Nabubuhay siya ayon sa ipinasya niya, masaya kapag sabog at malungkot kapag matino.
Minsan ay nakatanggap siya ng liham mula sa kanyang panganay. Malapit na raw itong magtapos sa kolehiyo at ang pangalawa ay matatapos na rin ng high school. Magkahalong lungkot ang saya ang naramadaman ni Rene. Masaya siya sa tagumpay ng mga anak, malungkot sapagkat hindi niya ito masisilayan at sa sobrang hiya niya sa mga ito.
“Itay, alam ko kung anong nangyayari sa inyo diyan. Gusto kong malaman niyong sa kabila ng lahat, kasama pa rin kayo sa mga pangarap namin.” bagay na umalingawngaw sa isipan ni Rene. Ito ang mga katagang binanggit ng anak bago tapusin ang liham.
“A-B-K-D-E-G-H-I-L-M-N-Ng-O-P-R-S-T-U-W-Y” kanta ng mag-aamang Rene, Lito at Vina.
“A” sigaw ng dalawang bata. “Ang mag-aral ay gintong tunay.” awit ni Rene.
“B” muling sigaw ng mga bata. “Bagay na dapat pagsikapan.” muli ni Rene.
“K” – “Karunungan ay kailangan lang.....” unti-unting dumilim ang lahat.
“K” – “Karunungan ay kailangan lang.....” unti-unting dumilim ang lahat.
Itinaas ni Rene ang dalawang kamay na pawang may nakapatong sa palad, nakangiti ito habang nakahiga sa kama. “Mga tropeyo ko!” habang tumutulo ang mga luha. “Patawad mga anak!”
Humugot ng hininga kasunod ng pagbaba ng mga kamay. Tigmak sa dugo ang kama ni Rene pagkatapos maglaslas ng pulso. Kasabay ng pagbuga ng hininga ang pagsuko ng kanyang kaluluwa.
Ang dating Rene na puno ng pag-asa ngayon ay lumisang talunan. Bunga ng bisyong walang idinulot kundi pighati. Tropeyong sumisira sa pamilya at sa buhay ninuman.
1 comments:
Na-inspire lang ako sa kapirasong part ng buhay ko kung saan hilig naming mag-aama ang kumanta ng "ABAKADA" noong kabataan ko. Yung kanta ni Florante kasi ay paborito naming tatlo (sister ko, ako at tatay ko). Kaya inspired itong kwentong ito sa tunay kong buhay pero hindi lahat ng mababasa niyo ay hango sa totoong buhay ko.
Isa ito sa naging entry ko sa Book Compilation ng FWJ (Filipino Writers Jam) kung saan ang mga amateurs sa larangan ng pagsusulat ay nagsama-samang bumuo nitong aklat na ito.
Abangan dito ang balita tungkol sa paglalathala ng aklat na ito at kung saan ito mabibili at sa magkanong halaga.
Post a Comment