Chapter 1: Piniling Buhay o Kapalaran ng Buhay.
Kausap ko si Tito Jake noon, ama ng kaibigan ko at nabanggit niya sa akin ng minsang lumabas sila ng kanyang batang pamangkin galing states. Nakita ng bata ang isang squatter's area at naitanong nito sa kanya. "Uncle who are those people? and why are they living in that place? Are they poor?"
"Yes, but some of them just wants to live there because it is their choice" ang sagot ni Tito Jake.
Ng mabanggit niya ang mga katagang iyon ay nag-flash back sa isip ko ang mga nangyari sa buhay ko. Nung panahon na ako ay naninirahan kasama ng aking ama sa isang squatter's area. Hindi ko piniling tumira doon pero doon ako nakatira. At ng nasa dulo na ako ng naalala ko ay unti-unti ko uling pinatakbo sa isip ko ang naging buhay ko kasama ng aking ama.
"Boy! nasaan tatay mo?" bulaga sa akin ng isang maaskad na mukhang tao na noon ko lang nakita.
"Nasa trabaho po" magalang kong sagot kahit may kaba sa dibdib dahil di ko alam kung ano pakay ng lalaking ito sa aking ama.
Matagal ng hiwalay noon si Mommy at Daddy. Ayon sa kanilang napag-usapan noong una ay hati sa anak ang babae kay Mommy at lalaki, ako yon ay kay Daddy. Pero di pumayag si Daddy. Dalawa na nga lang daw kami ay maghihiwalay pa. Kaya doon muna kami kila Mommy noong una at matapos ang isang taong pag-aaral ay dito naman kami sa aking Daddy. Nung unang dating ko sa squatter’s ay talagang kinilabutan ako sa sitwasyon ng mga tao doon. Yun ang unang pagkakataon akong makatira sa ganoong klaseng lugar.
“Alex, saan kuya mo?” muling tanong ng mamang may maaskad na mukha ng makitang sumulpot ang aking tiyuhin sa likod ko.
“Sa trabaho, ano kailangan mo?” mahilis na sagot ni tito.
“Pengeng RP” sabay pasok ng di man lang tinatanggal ang kanyang tsinelas.
Pinagmasdan ko lang ang kinikilos niya. Sumunod siya sa tiyuhin ko sa kwarto at mayamaya pa ay nakita ko siyang lumabas na may hawak na maliit na puting papel. Masaya na ang kanyang hitsura sa hindi ko maipaliwag na kadahilanan. Umalis ito ng di man lang nagpapa-salamat.
Napag-alaman ko ng katagalan kung ano ang mga katagang kanilang binabanggit. RP pala ay rolling paper, pambalot ng marijuana. Oo, isa ang ama ko noon sa mga nagtutulak ng mga ganitong epektos. Bawal pero dagdag kita daw bukod sa kita niya sa trabaho.
Dumaan ang mga panahon at ang mga bago sa akin ay naging kaswal na bagay na lamang.
“Noel, pahingi nga ng RP” hiling ni Bong sa akin.
“RP na naman, kahihingi mo lang kanina. Ikaw talaga!” inis kong sabi. Kumuha ako sa lalagyan nito at nagulat na lang ako ng nasa likuran ko na siya pagkat sumunod pala siya sa akin at muli ay suot pa rin niya ang kanyang tsinelas. Pag-abot ko sa kanyang kamay ay tumalikod na ito sa akin at pumunta na sa pinto para umalis. Sumunod na lamang ako sa kanya.
“Noel, dalawa nga! O Bong! saan kayo nakatambay?” tanong ni Edgar sa papalabas na si Bong.
“Doon kami sa baba, sunod na lang kayo. Si Rey, Cooper at ng kuya mo nandoon. Tang-ina mo sina ka-duet mo at dalawa pa bibilhin mo ah” sagot ni Bong.
“May mga bebot sa bahay, gusto raw tumira kaya pasikat muna ako. Baka makaisa ko kahit isa lang doon, pero mas maganda kung lahat sila hehe! Pero sunod ako sa inyo mamaya” masayang pagpapahayag ni Edgar.
“Tang-ina ka nagso-solo ka. Akyat kami dito nila Rey puntahan ka namin. Teka sandali tawagin ko lang ang tropa”
“Huy! Tang-ina baka ma-purnada pa plano ko. Wag na kayo pumunta ako na lang susunod. Salamat” tugon ni Edgar habang kinukuha ang binigay kong dalawang supot ng marijuana na may kasamang apat na pirasong RP. Inabot sa akin ang beinte pesos at sabay akbay kay Bong.
Sampung piso lang ang marijuanang tinitinda ni Dad noon. Sa isang supot ay makaka-rolyo ka na ng dalawang yosi. Si Dad ang pinaka-pinuno nila doon.
“Tang-ina basta susumod na lang ako sa inyo. Sige ibibili kita ng isa pa mamaya kung gusto mo solohin mo. Sige na” patawang pagpa-paalam nito kay Bong.
“Tatagal kaya ako sa ganitong klase ng buhay” tanong ko sa aking sarili. Parang gusto kong umalis sa lugar na iyon pero saan ako tutungo?
Chapter 2: Puro Ba Hirap Sa Lugar Na Ito?
Sabado noon. At tuwing sabado ay sumasama ako sa mga barkada ko sa pagbo-bote. At ang oras ng alis naming ay mga alas-singko ng umaga. Nung mga panahong iyon malamig pa talaga nun dahil sa hindi pa ganoon kasira ang ating kalikasan.
“Noel, halika na baka maunahan tayo ng iba doon sa na-demolish na bahay doon sa baba malapit kila Mark Gil daming bakal doon sigurado at baka marami ring tanso” masayang pahayag ni Butsoy.
“Tita, alis muna po kami” pagpa-paalam ko sa aking tiyahin.
“Oy, mag-ingat kayo ah. Balik ka dito bago mag-tanghalian” paalala nito sa akin. Alam na ng tiyahin ko ang pakay ko kaya hinayaan na lang niya ako.
“Opo” humahangos kami at nagmamadaling pumunta sa nabanggit ni Butsoy. “Bilis!” sambit ni Butsoy.
Pagdating doon ay may naabutan kaming maruming mama doon na nagha-halungkat na ng mga basura. At naki-halungkat na nga kami.
“Hoy, mga putang-ina niyo, nauna na ako dito maghanap kayo ng ibang lugar” galit at pasigaw nitong sabi sa amin.
“Di niyo naman kayang dalhin lahat yan manong. Atsaka puno na halos yung sako niyo kahit konti lang kukuha kami” pasagot ni Butsoy sa mama.
Sasagot pa sana ang mama pero ng makita niyang dumating ang iba pa naming kasama ay hindi na ito sumagot.
“Mga tang-ina niyo, di niyo kami hinitay ni Sonny” si Buboy yun. Palibahasa ay malaki ang katawan ni Buboy kaya ganun na lang ang takot ng maruming mama sa kanya. Banat sa pagta-trabaho si Buboy, nagpi-pingga ito sa pag-ibig ng tubig. Yun kasi ang trabaho niya.
“Tulog ka pa raw nung dumaan ako sa inyo kanina, kaya si Noel na lang pinuntahan ko. Si Sonny naman di ko alam kung papayagan ng tatay niya. Buti pinayagan kang sumama sa amin” tanong ni Butsoy kay Sonny.
"Di nga eh, tulog pa naman sila kaya okay lang” sagot ni Sonny.
“Naku, bugbog ka na naman sa tatay mo sigurado niyan pag nalaman na kasama mo kami.” Panunukso ni Butsoy kay Sonny.
May kaya ang pamilya nila Sonny pero dahil sa mahal ang renta ng mga bahay ay mas pinili nilang doon manirahan sa squatters. May maayos na trabaho ang kanyang ama at ang kanyang ina ay meron ding trabaho. Pero kahit na nag-iisang anak lang siya ay hindi ito ini-spoil ng ama di tulad ng ina na bigay lahat gusto niya. Ayaw ng kanyang ama na si Sonny ay sumasama sa amin pagkat ang iniisip nito ay baka kung ano-ano ang matutunan nito sa amin.
Maya-maya pa ay marami pang dumating na kabataan. At ang iba ay meron pang kariton.
Tuwang-tuwa kami dahil umuusok ang mga ilong at bibig namin sa lamig. Maya-maya ay nakakita ako ng bakal na naka-usli sa mga tambak ng basura.
“Uy, meron dito mataba ito.” At agad-agad kong hinila ito pero pag-hipo ko pa lang ay napa-balikwas ako dahil kumislap at nakaramdam ako ng malakas na kuryente. Narinig nila ang pagsagitsit ng kuryente. Agad naman silang natawa. “May kuryente?” patawa at pagtataka ko.
Tinanggal ko ang mga basurang nasa ibabaw nito at nakita kong wala namang wire na nakadikit man lang dito na maaaring pagmulan ng kuryente kaya lalo akong nagtaka. Lumapit si Buboy at nakitang wala namang wire kaya sinubukan niyang hawakan ito.
“Kssst!” kumislap din ito at nakuryente din si Buboy. “uy! putang-ina!” pagkakita namin sa reaksyon niya ay nagkatawanan kaming muli. Lalo kaming nagtaka dahil saan kumukuha ng kuryente iyon. Kumuha ng kahoy si Sonny at pinalo palayo ang bakal at matapos ay tinangkang pulutin. “Ksst!” gayundin ang nangyari. “Aah!” gulat na reaksyon ni Sonny. At muli nagtawanan kami at nagtataka pa rin.
“Ikaw naman” utos naming tatlo kay Butsoy habang nagtatawanan. “haha ayoko nga!” patawang sagot nito. Hanggang sa napag-desisyunan naming di na kunin yung bakal. Para sa amin may hiwagang pumapaloob sa bakal na iyon na hindi namin maipaliwanag. Meron na naman kaming ibibida sa iba naming ka-tropa.
Mataas na ang araw at marami na kaming nakuhang mga bote at mga tanso kaya nag-desisyon kaming lumipat sa iba. Wala na kaming nakuhang bakal pagkat halos nakuha na ito ng maruming mama, tanging ang bakal na may kuryente lang ang aming nakitang bakal doon.
Bago pa kami naka-alis ay nakita naming pinulot ng maruming mama ang bakal na nakita namin at hinintay namin ang magiging reaksyon pero laking pagtataka namin ng wala kaming narinig o nakitang kislap ng kuryente. At nakuha niya ito ng walang ano-ano. Ngayon pag naaalala ko ito ay natatawa pa rin ako pagkat ang buong akala namin noon ay may misteryong pumapaloob dito o mahika – static lang pala.
Pagka-uwi namin ay lahat kami puro masaya ng maibenta namin ang mga pinulot namin. Dadaan sana ako sa tindahan para bumili ng makukukot pero ng makita ko ang oras ay agad-agad akong nag-paalam sa grupo.
“Naku! Mag-a-ala-una na pala. Sige magagalit na Tita ko sigurado. Sige mamayang hapon kita ulit tayo!” nagmamadali akong tumakbo pauwi. Kahit may pag-alala sa akin ay di ko maalis ang ngiti sa mga labi ko. May dagdag na ako sa baon ko sa Lunes.
Ganoon lang at kumita na ako ng pera. Mabilis at masaya pa. Pero kung nag-hahangad ka pa ng mas malaki ay maraming raket na pwede pang pagka-kitaan sa squatter’s area.
====
“Tito, taya kayo 2nd game to. Alaska vs. San Miguel. Piso panalo ng seventy-five” alok ko sa kapitbahay naming si Tito Jun.
“Bakit ang liit ng panalo?” tanong niya.
“Eh Tito, di naman napupuno yung patayaan ko minsan eh. Sige na po tayo na kayo” sabay pinakita ko sa kanya ang maamo at mapungay kong mata.
“Anak ng! Sige o hetong sampu, ikaw na ang bahalang pumili. Dapat honest ka ha pag nanalo ako bigay mo sa akin a” naka-ngiting sambit sa akin habang hinihimas ang ulo ko.
“Siyempre naman po! Sige po bigyan ko po kayo ng kopya ng taya niyo mamaya. Salamat po” at nagmamadali akong tumakbo para habulin ang isa pang kapitbahay namin.
Ending ang isa sa libangan ng mga tao dito ang iba ay jai-alai at hweteng pero wala akong ka-ide-ideya kung paano mag-pataya doon kaya napili kong pasukin ang magpa-ending. Isa rin ito sa popular na sugal ng mga panahong iyon na kung saan ang mga pinagbabasihan ay ang huling digit ng putos ng mga naglalabang basketball team. Ang unang digit ay kukunin sa nanalong koponan at ang ikalawa ay sa natalong koponan.
“Shoot mo! Shoot mo! Uy putang-ina mo. Pulpol!” yan ang maririnig mo sa labas habang nanonood ng basketball. Dahil wala kaming TV at nakikinood lamang ako noon.
Wala akong hilig sa basketball, pero sa larangan ng ending ay natuto akong maki-halubilo sa mga nano-nood nito upang makisaya at makisigaw. Di mahalaga kung sino mananalo. Para sa akin panalo ko ang habol ko. TIningnan ko ang kodigo ko ng mga tumaya sa ending. May mangilan-ngilan ding mga kombinasyon ang walang tumaya. Naghangad na sana ay walang manalo, dahil pag wala syempre ako ang mananalo.
“Oooh! Haha! Tang-ina mo sige habulin mo! Shoot! Shoot! Yes! Tang-ina nanalo ko huuu!. Tang-ina nasaan ka Pidoy, yung panalo 750 bigay mo sa akin!” Sigaw ng kapitbahay. Pati ang misis niya ay tawa ng tawa ng mga oras na yun.
Tiningnan ko kung ano ang puntos at nakita kong si Tito Edgar ang nanalo, kapatid ni Tito Jun. At di rin nagtagal ay nakita ko na siyang tumatakbong papunta sa akin.
“Noel! Halika rito, sige na ibigay mo na haha!” masaya nitong sabi sa akin habang naka-buntot ang mga amuyong boys.
“Balato kuya!” sambit nung isa.
Ibinigay ko sa kanya ang mga 60 pesos na papel at mga barya pero nung akmang ibibigay ko na yung mga barya ay pinigilan niya ako.
“Sayo na yan, dagdag baon mo” sambit niya bago ito tuluyang umalis kasama pa rin ang mga amuyong boys.
“Thank you po tito” pagpapa-salamat ko. Pinanood ko na lang silang masayang umaalis.
“Putang-ina tigma-mamiso lang napanalunan ko. Doon kayo kay Nilo sampu tinayaan balita ko nanalo din. Tang-ina kaliit-liit na panalo babawasan niyo pa”
Ayos na naman ako. May pera na naman ako. Pagdating sa bahay ay naglabas ng isang papel, ballpen at ruler. Kailangan makagawa na naman ng endingan para sa susunod na laban. “Ano nga bang koponan ang maglalaban?” tanong ko sa aking sarili.
Chapter 3: Payapa Ba Sa Lugar Na Ito?
Tuwing gabi, bago kami matulog ng mga tiyuhin ko ay nagku-kwentuhan pa kami ng mga jokes na natutunan namin at dito magaling si Tito Alex. SI Tita Ahyu naman halos ay sumakit ang tiyan sa katatawa. Matagal-tagal na rin ang ipinamalagi ko sa lugar na iyon kasama ng aking ama at ng tito at tita ko. Palagay ang loob ko at masaya ako, para sa akin may mas gusto ko ng mamuhay dito kesa sa nanay ko. Doon kasi kay mommy ay kami lang tatlo, si Mommy, ako at ang kapatid kong babae. Hirap talaga pag hiwalay pamilya.
“Braaak! Tug! Tug! Tug!” ang tunog na ikinagulat namin ng aking mga tiyahin. Maging si Tito Alex ay nag-alala. Mula iyon sa mga batong tumatama sa yero at nakarinig pa kami ng mga sigawan at murahan.
“Isarado mo nga yung pinto baka may magtangakang pumasok” pag-aalalang utos ni Tita kay Tito Alex. “May gulo na naman at may batuhan pa” tugon ni Tito. Bago pa man makalapit ng pinto si tito ay bigla itong bumukas.
“Blag!” Bumulaga sa amin ang aking ama. Isinarado ang pinto at dali-daling pumunta sa isang sulok kung saan nakatago ang ginawa niyang pamalo na yari sa isang matibay na kahoy. Matapos nun ay dumeretso sa kusina upang kumuha ng kutsilyo.
“Kuya! Anong gagawin mo” pag-aalalang tanong ni tito. Si tita naman ay lumuluha na at dali-daling pumunta sa pinto. “Kuya! Please wag ka ng lumabas! Please! ” at humagulgol na ng iyak si Tita.
“Hindi! Sisilip lang ako!” tugon naman ni Daddy. Mapula ang mga mata at amoy alak si Daddy noon. Maaaring siya ay naka-inom at mukhang sabog pa kaya makitid ang pag-iisip ng mga oras na iyon. Ang tanging panlaban niya marahil sa karahasan ay karahasan din. Mahigpit ang hawak nito sa pamalong gawa niya at maayos na niyang nai-sukbit ang isang kutsilyo sa likuran niya. Humarang na rin si tito sa pinto. At nagmamaka-awang wag ng lumabas ang aking ama.
Kitang-kita ko ang lahat pagkat walang kakurap-kurap ang aking mga mata sa lahat ng nangyayari.
“Sige na, titingnan ko lang baka may nasaktan pang iba. O sige iiwan ko ito dito!” mahinahon ang boses ni Dad. Inilapag ni Daddy ang kutsilyo at ang mahabang pamalo para ipakitang wala kaming dapat ika-bahala.
“Noel, itago mo yung mga yan pati yung ibang kutsilyo” utos ni Tito. Humahagulgol pa rin si Tita. "Kuya wag ka ng lumabas pakiusap!” muling paki-usap ni tita.
Agad ko namang itinago ang mga kutsilyo at ang malaking pamalo ni Daddy. Malaki at malapad ang pamalong gawa niya. Maganda ang pagkakagawa nito, para siyang dospordos na pinakinis. Maging ang mga kanto nito ay binilog na kaya hindi ito nakakasugat pag hinawakan. Samantala sa ibaba naman ay pinaliit ito upang medaling hawakan at may butas pa ito sa dulo na may nakalagay na tali, kung nais mo itong isabit kung saaan mo gusto ay magagawa ito. Maihahalintulad na nga ito sa isang baseball bat, yun nga lang ito ay may mga binilog na kanto at hindi bilog.
“Tingnan ko lang kung may nasaktan sa mga kasamahan ko, sige na! Paraanin mo na ako” muling paliwanag ng aking ama. Mabuti na lang at tulog na ang kapatid kong babae ng mga oras na iyon kung hindi ay makikita niya ang ama ko sa ganoong kalagayan.
“KUYA! Wag kuya” paiyak na sigaw ni tita. Palibhasa ay malaki ang katawan ng ama ko madali niyang naitabi ang tito kong patpatin. Tanging tita ko na lang ang nakaharang sa pinto. Ako ay nakamasid lamang at hindi alam ang magiging reaksyon.
“KUYA!” at yun ang huling binanggit ng tita ko pagkat doon na siya hinimatay sa pintong kanyang binabantayan.
“O sige na, sige na di na ako lalabas” ang ama ko naman ngayon ang nag-aalala. Dali-dali namang tumakbo si tito para alalayan si tita. “Noel, kumuha ka ng tubig at bimpong basa” tarantang utos nito sa akin. Pawang sunod-sunuran ako sa mga tauhan doon. Di na rin tinangka pang lumabas ni Dad, nag-aalala siya baka tuluyang atakihin sa puso si tita.
Naging usap-usapan ang gulong iyon kinabukasan at ng sumunod pang mga linggo. Ang akala namin ay yun na ang katapusan ng gulong iyon pero iyon pala ang simula ng mas matinding gulo. Ang nakabangga palang grupo ni Daddy ay ang kanyang ka-kumpetensya sa marijuana. Mas matindi pa ang backer ng kalaban nila dahil General daw iyon.
Isang gabi noon makalipas ang mga araw ng kaguluhan ay biglang may gulong nangyari uli. Isa sa mga kabarkada nila ang napatay, si Cooper. Bumagsak na lang ito ng bigla sa sayawan. Ng makita ito ni Tito Edgar ay lumapit ito pagkat akala niya ay nagbibiro ito. Paglapit ay tiningnan kung may tama ngunit wala naman. Hinawakan niya ang dibdib at nagulat siya dahil biglang sumirit ang dugo mula sa tagiliran nito at sa bandang sikmura nito. “Putang-ina!” napaupo ito at maya-maya pa ay lumapit si Daddy at iba pang barkada.
Dinala sa ospital pero di na ito nailigtas pagkat doon pa lang sa sayawan at patay na ito. Ang tumira ay ang mga taga-baba, mga galamay ng ka-kumpetensya niya.
Makaraan ang ilang araw ay natagpuan na lang ding patay and isa pa nilang kabarkada na tiga-taas. Naka-lock ang mga pinto at 3 araw ng di lumalabas. Nang maghinala ang mga kapitbahay ay ipinatawag si Daddy at mga barkada nito. Sapilitang binuksan ang pinto at bumulaga na lang sa kanila ang isa pa nilang tropa na may hawak-hawak pang rugby. Walang ginawa ito kundi suminghot ng rugby hanggang sa ito ay mamatay ng naka-tirik ang mga mata.
Ang sabi ng mga kapitbahay, bago iyon mangyari ay nasabi pa nitong may nagta-tangka sa buhay niya kaya siguro ito nagkulong sa bahay niya.
Ipinatawag si Dad ng pulis na contact niya. Pinagsabihan siyang magtago muna ng probinsya hangga’t may gulong nangyayari.
“Rey, magtago ka muna sa probinsya niyo. Mainit ka ngayon. Nung maka-usap ko si General ay mainit ito at gusto ka na talagang itumba kasama ng mga tropa mo.” Pagpapa-alala ng contact niya. Hindi kumikibo si Dad, nakikinig lang siya ng mga oras na iyon.
“Ako na lang ang tanging namamagitan sayo at sa galit ni General. Sinabihan ko na siya na ibalato ka na lang sa akin at sabi ko ay ako na ang bahala sa iyo. Itali daw kita para di mo masagasaan ang tropa nila. Hindi ko na tatanungin kung sino ang tama o mali sa inyo dahil mali ka man o tama ay parehong alanganin ang kalagayan mo o maging ang pamilya mo.” Muling sabi nito sa kanya.
“Hindi ko iiwanan pamilya ko. Pero kung makaka-usap mo si General ay pakisabi na patatahimikin ko ang tropa. Mamaya ay kakausapin ko sila para mag-palamig sa kani-kanilang mga probinsya. Pero ako ay mananatiling nandito. Kailangan ako ng pamilya ko. Alam niyo namang ako lang ang maaasahan sa amin.” Sambit ni Dad sa contact.
Natapos ang usapan at gayun nga ang nangyari. Nawala ang grupo at tumahimik sa lugar namin. Humina ang benta ng marijuana ni Dad nun pero okay lang sa kanya basta ang importante nandun siya kasama namin.
Kami man ay nag-aalala na baka biglang may sumulpot na lang sa aming tapat at barilin si Dad or saksakin. Ang tita ko ay todo-todo panalangin ng mga panahon na iyon. Madasalin na siya pero naging doble pa ang pananalangin nito dahil sa nangyari.
Pasalamat ako sa tita ko dahil kung hindi sa panalangin niya ay maaga kaming na-ulila sa ama. Dininig ang kanyang panalangin.
Chapter 4: Pag-asa sa Kahirapan, Meron Ba?
Hindi ko na mabilang ang mga alaalang di ko malilimutan sa lugar ng squatters. Iba’t-ibang klase ng tao dito na may iba’t-ibang klaseng prinsipyo sa buhay. Di ko na rin matandaan kung kelan ko naiwaksi sa aking isipan na ang buhay sa lugar ng squatter ay simple at masaya. Maaaring noong mga panahong iyon ay magkahalong sarap at hirap ang nadama ko sa lugar na iyon ngunit mas nanaig sa puso ko ang sayang nadama ko kasama ng mga totoong tao. Ang mga totoong taong nagbigay-kulay sa isang mapait na nakaraan ang siyang nagbigay ng kabuluhan sa maikling panahong inilagi ko lugar ng mga squatters.
“Ano sa tingin mo Noel? Is poverty a choice?” tanong sa akin ni Tito Jake.
Ngumiti ako. Alam ko sa aking sarili na minsang dumating sa buhay ko na hindi ko pinili ang buhay na iyon ngunit nalalaman ko rin sa aking sarili na maaari kong talikuran ang kahirapan kung nanaisin ko. At hindi ko na kinakailangan pang mamuhay sa lugar na iyon kung nanaisin ko.
“Maaaring sa iba po ay talagang hindi maiiwasan ang buhay na iyon pero kung nanaisin po ng isang tao na maka-alis ng lugar na iyon ay sa tingin ko makakaya naman niya.” sagot ko naman kay Tito Jake. At ngumiti lang si Tito Jake. Hindi alam ni Tito Jake ang nakaraan ko pero meron akong hinalang pinagdaan niya rin ang napagdaanan kong buhay.
“Ano sa tingin niyo ang sagot sa kahirapan?” tanong ng aming mabagsik na guro nung ako ay nasa ikatlong taon ng hayskul.
“Mapaalis ang mga corrupt na politiko!” sagot ng isa kong kaklase.
“Sa tingin niyo kaya uunlad ang buhay niyo kung mawawala ang corrupt na mga politiko?” muling tanong ng aming guro.
Walang sumagot sa tanong ng aming guro pagkat hindi rin nila marahil nasisiguro ang kasagutan sa tanong na iyon.
“Tandaan niyo ito. Hindi porke nasa pam-publikong paaralan lamang kayo ay wala kayong mararating. Hindi porke nasa kahirapan kayo ay wala kayong hinaharap na magandang buhay. Kung aasa kayo sa mga politikong nakaupo sa kani-kanilang mga trono ay hindi kayo makaka-punta sa inyong nais paroonan. Sabi nila kabataan ang kinabukasan ng bayan. Totoo yun! Dahil kung lahat ng kabataan ay gumagawa ayon sa kanyang prinisipyong maka-alis sa kahirapan, isipin niyo kung ilang mahihirap ang gagaan ang buhay pagdating ng araw. Ang epektibong pagbabago ay hindi nagsisimula sa iba. Kung gusto mong magbago ang buhay mo, ikaw ang umaksyon para baguhin ito at huwag niyong ipagkatiwala sa iba. Tandaan niyo yan. Kalimutan niyo na kung sino ako balang-araw, pero nawa ay wag niyong kalilimutan ang mga sinabi kong ito sa inyo.” Naka-ngiting paglalahad ng aming guro. Noon lang namin nakitang nakangiti ang mabagsik naming guro. Ito rin marahil ang naging dahilan kung bakit di ko malimutan ang aral na ibinigay niya sa amin. At gaya ng kanyang nasabi, nakalimutan ko na nga ang ngalan ng aming guro, pero ang bawat katagang kanyang binanggit ay nanatili sa puso ko at sa aking isipan. Isang mahalagang aral ang natutunan namin noon mula sa aming mabagsik na guro.
Ngayon ay napagtanto ko na ang buhay ng isang tao ay parang libro. Maari ikaw ay isang libro ng kababalaghan, o ng isang mala-romantikong buhay, o isang libro ng pakikipagsapalaran. Buhay mo akda mo, ikaw ang magde-desisyon kung paano mo tatapusin ang bawat kahaharaping pagsubok. Hindi mahalaga kung ilang beses kang bumagsak sa mga suliranin mo sa iyong buhay. Ang mahalaga ay kung paano ka bumangon at paano mo hinarap ang iyong mga suliranin.
“When are you going to finish this project, Noel?” tanong ng amo kong ibang lahi habang itinuturo ang project folder namin.
“Sir, I already made a report and it is in your desk right now. If you want I can brief you right now. Do you have some time Sir?” paanyaya ko sa aking amo.
“It’s ok, I’ll just read your report. Thank you!” nagmamadaling sagot nito habang papunta ng kanyang opisina. Ito ngayon ang bunga ng aking pakikipagsapalaran, ang matamis na bunga ng kahirapan na naging daan sa isang magandang kinabukasan.
Ngayon alam ko na ang sagot sa kahirapan. At ito ay hindi magmumula sa kaparaanan ng iba kundi ng aking sarili. Sipag, tiyaga at pananalig sa Diyos. Ewan ko sa iba kung bakit nagta-tagumpay sila sa kabila ng walang pananalig sa Diyos pero para sa akin, masasabi ko na ring tagumpay ko ang pananalig ko sa Diyos. Dahil alam ko sa kabila ng kahirapang tinamo ko ay hindi ako tinalikuran ng Diyos.
Pagtatapos:
Ano ba ang kahirapan?
Maihahalintulad ito sa isang hukay na kung saan ikaw ay nasa ilalim ng hukay na iyon. Bawat hirap na ibabato sa atin ay siyang magiging lupang patuloy na maglilibing sa atin hanggang sa tayo ay hindi na makabangon
Anong aking gagawin?
Gawing tapakan ang bawat hirap na lumilibing sa atin hanggang sa tayo ay makarating sa rurok o hanggang sa patuloy na matabunan ang hukay na gawa ng kahirapan.
0 comments:
Post a Comment