Tuesday, February 10, 2009

Speed Dial 1

Malayo ang tingin at tila wala ako sa kaisipan ng oras na iyon. "Ano nga ba ang nangyari?" tanong ko sa'king sarili. Muli kong binalikan ang alaala na kung bakit ako nasa ganitong sitwasyon.

====

"Paging the driver of the black BMW, please proceed to the lobby right now!" ani ng isang babaeng may kaaya-ayang boses. Ringtone iyon ni Aileen pag ako ang tumatawag kaya ako ay napalingon kung saan iyon nanggaling.

"Sira ka talaga. Mamaya baka tumawag si Noel. Malapit na yang mag-lowbat." tugon ng babaeng may pamilyar na boses.

Nagulat ako ng mamukhaan ko ang babae pagkat si Aileen nga ang babae pero hindi siya nag-iisa. May kasama siyang lalaki at naka-akbay ito sa kanya. "Hindi ako maaaring magkamali." bulong ko sa aking sarili.

Sumunod ako ng may pag-iingat upang huwag nila akong mapansin.

"Natutuwa lang ako sa ringtone mo, i-bluetooth mo nga sa akin yan." sambit ng lalaki habang kinukuha ni Aileen ang kanyang cellphone. Nilipat ng lalaki ang kanyang braso mula sa balikat ni Aileen papuntang bewang nito. Umakyat ang dugo sa aking ulo, nag-init ang aking mukha at bumilis ang tibok ng puso. Ang mga kamay ko ay kusang tumiklop at nagmistulang bato sa tigas. Naghanap ako ng ibang mapag-babalingan ng aking galit upang hindi ako sumabog.

"Sabi na ngang maglo-lowbat na ako eh. Pag binlu-tooth ko pa sayo yan ay mauubos na ang battery ko. Di na ako matatawagan ni Noel." sabi ni Aileen sa lalaki matapos ay kinurot ang tagiliran nito. "Niloloko na pala ako ng malanding babaeng ito!" gigil na bulong ko sa aking sarili.

"Maige nga iyon at hindi tayo mai-istorbo ng gagong yun!" bulalas pa ng lalaki. Gusto ko ng sumabog ng mga oras na iyon sa galit, kaya ako naghanap sa paligid ng bagay na pwedeng pang-pukpok. Yun tipong isang pukpok lang ay dedo agad ang mokong. Huminto sila kaya nagmadali akong nagtago sa tindahan ng diyaryong aking namataan.

"Mark!, Napag-usapan na natin ito di ba? Ayokong mag-hinala si Noel na meron akong iba. Di mo kilala si Noel kung magalit. Papatay yun! Kung hindi siya e yung mga tropa niya. Gusto mo ba akong mapatay ni Noel? galit na sabi ni Aileen. Sumilip ako at nakita kong nakakalas na si Aileen kay Mark at nagmamadali itong lumakad sa pinarang taxi.

"Honey! Sorry, biro lang yun. Alam ko naman yun e gusto ko lang kasi paminsan-minsan ay walang istorbo sa atin. E halos oras-oras kung tumawag ang gagong yun eh. Kelan mo ba iiwanan si Noel? ah!" galit nitong sabi habang hinahabol si Aileen.

Nakakita ako ng pagkakataong makalapit sa kanila sa mas malapit na tindahan ng diyaryo. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ganoon ang pakiramdam ko. Dati sa ibang mga naka-relasyon ko ay binugbog ko na ang lalaking yun pero ngayon ay tila nag-iimbestiga pa ako ng husto. Gusto kong malaman kung gaano kalalim ang kanilang relasyon, kung kelan pa nila ako niloloko.

Binuksan ng taxi driver ang bintana. "Saan po maam?" magalang na tanong nito kay Aileen.

"Sa Victoria Court, sa Bagong Barrio." at sabay bukas sa pinto ng pang-pasahero. Lumingon ito kay Mark."Doon na lang natin ito pag-usapan, ayokong nagsi-sigawan sa kalsada." galit pa rin ang tono ng boses niya. Sumunod lang si Mark.

Kinapa ko ang mga bulsa upang hanapin ang aking cellphone. At ng matagpuan ay agad akong nag-dial. Pinindot ko ang numbero 3 at Send. Speed Dial ito ng isa sa mga tropa ko.

"Hello, Ser! gud ibneng ser!" tugon sa kabilang linya.

"Dondi! Si Roger, sabihan mo pumunta ng Victoria Court sa Bagong Barrio. Dalhin niya kamo yung camera. Ngayon na ha!. Alam na niya gagawin niya."

"Opo Ser! Sabihin ko agad!" agad na tugon ni Dondi.

====

Pinunasan ko ang pawis na namumuo sa aking noo at sabay buntong-hininga. Sa kanang kamay ko ay hawak ko ang isang rebolber na kanina pa sumisigaw ng hustisya. Gamit ang kaliwang kamay, tinapik ko ang rebolber at pina-ikot ang bilog na bakal na naglalaman ng mga bala. Naka-ilong ikot ito at bigla ay pinigilan ko ito ng kaliwang kamay. Binuka ang bunganga at itinutok ang baril sa aking ngala-ngala. "Hmmmphhh!" pigil ang hininga at pikit mata kong dahan-dahang idiniin ang daliri sa gatilyo. Mayamaya pa ay ibinuga ko ang hanging naipon sa aking dibdib at inalis ang pagkaka-tutok ng baril sa aking bunganga.

"Hindi ko kaya!" sambit ko sa aking sarili. Tiningnan ko ang mga litratong nakalapag sa aking harapan. Agad kong nakita ang hitsura ng dalawang nilalang na parang mag-asawa. Isa sa mga larawan ang pumukaw sa akin. Nakatalikod si Aileen kay Mark, masaya ang kanyang mukha habang naka-hawak sa beywang niya si Mark, nakapatong ang baba ng lalaki sa balikat ni Aileen habang tinatangay ng hangin ang sumbrerong suot ni Aileen. Pamilyar ang sayang nakita ko sa kanyang mukha. Yun ang sayang nakita ko sa kanya nung kami ay bago pa lang na nagmamahalan.

Gusto ng sumabog ng galit ko sa aking dibdib. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinilit na umiyak. Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay hindi ako maiyak at yun ay lubos na nag-dagdag ng galit sa dibdib ko.

Maya-maya ay bumukas ang pinto. "Ser, si Roger po at ang tropa nasa labas kasama na yung lalaki."

Walang ano-ano ay tumayo ako at isinukbit ang rebolber sa aking harapan.

"Sir, parang awa niyo na. Ano bang ginawa kong kasalanan sa inyo?" pagmamaka-awa ni Mark kay Roger.

"Sir.....please..." muli ay tinangka niyang makiusap pero ng makita niya ako ay huminto ito.

"Noel!?" sambit ni Mark. At nag-simulang dumaloy ang mga luha sa mga mata ni Mark. Tumungo siya sa kanyang pagkakaluhod. Naka-posas ang kanyang kamay sa kanyang likuran.

Tahimik ang lahat at nagmamasid lamang sa akin ang tropa. Kagat ang pang-ilalim na labi at naka-halik sa aking kaliwang kamao habang naka-hawak ang kanang kamay sa rebolber. Blangko pa rin ang isip ko. Biglang pumasok ang imahen ni Mark na nakapatong kay Aileen pareho silang nakahubad at dahil doon ay bigla kong naitutok ang baril kay Mark.

"Tarantado ka! Ako pa niloko niyo! Ako pa!" gigil na sabi ko kay Mark.

Hindi siya nagsasalita at nakatungo pa rin siya. Nakita kong nanginginig ang kanyang katawan. Inangat niya ang kanyang mukha at nakita ko ang luhaang mukha nito. Pilit niya ring sinisinghot ang uhog na tumutulo na sa butas ng kanyang ilong.

"Noel! Patawarin mo na kami ni Aileen." humahagulgol na ang kanyang boses. "Nagawa lang namin iyon dahil mahal namin ang isa't-isa." muling pagmamaka-awa nito.

"Anong sabi mo?!" sagot ko sabay pukpok ng rebolber sa kanyang kaliwang kilay. Nagdugo agad iyon sa lakas ng pagkaka-pukpok ko.

"Mahal ko si Aileen!" hagulgol nitong sigaw sa akin. Sa aking narinig ay sinabunutan ko ang ulo niya at pina-tingala sa akin. Ng makita kong naka-nganga siya ay ipinasok ko ang baril sa kanyang bunganga.

"Sana naisip mong ganito mangyayari bago mo pinasok ang sitwasyong ito!" sigaw ko sa kanyang mukha.

"Ser. a... e..." pag-alinlangang tawag ni Dindo sa akin.

Di ko pinansin ang tawag sa akin. At patuloy kong tinitigan ang luhaang mukha ni Mark.

Mayamaya ay lumapit sa akin si Roger. "Meron ka raw tawag sa cellphone. Biyenan mo raw. Importante daw na makausap ka, emergency daw." bulong nito sa akin.

Gigil pa rin akong nakatingin kay Mark ng oras na iyon. Isinilid kong muli ang baril sa aking harapan at sabay suntok sa sikmura ni Mark. Napaluhod siyang muli at napatuwad sa sakit.

"Aahhh! hmmpp..ah" daing ni Mark sa tinamong suntok.
"Hello." mahinahon kong sagot matapos kunin ang telepono kay Dondi.
"Noel. Nasa ospital ang mag-ina mo. Pareho silang ligtas na sa peligro pero si Hannah ay medyo malubha ang kalagayan. Kahit papaano ay nakaka-usap ko sya kahit mga oo at hindi lang sagot niya." garalgal na boses ng biyenan kong lalaki sa kabilang linya.

Para akong biglang binatukan sa aking ulo. At naalala ko ang iba kong nakaraan. Si Nel ang anak naming babae ni Hannah. Iniwan ko sila mahigit apat na buwan na ang nakararaan ng ibahay ko si Aileen.

"Ano po ang nangyari?" tanong ko sa biyenan ko.
"Naghihintay sila sa terminal ng bus upang tumungo sa probinsya ng biglang sumabog and isang bus na malapit sa tapat nila. Hindi masyadong nasabugan ang mag-ina mo dahil may nakaharang na tricycle sa kanila. Yung tricylce ang siyang bumangga sa kanila ng tumilapon ito sa pagsabog ng bus. Marami ang namatay sa nangyaring iyon. Di pa alam kung sino may kagagawan ng lahat." paliwanag ng byenan ko.

Nakatahimik lang ako at nag-iisip. Mabait ang byenan kong lalaki kaya hindi ko magawang magalit dito o magmalaki man lang. Isa na itong balo kaya tanging apo na lamang nito ang siya niyang libangan.

"Noel, makinig ka sa akin. Mahal ko ang anak ko kaya sa kabila ng pag-tutol ko sa inyong kasal ay ibinigay ko ang basbas sa inyo ni Hannah. Hindi na ako magta-tanong kung nasaang lupalop ka ngayon. Pero kailangan ka ng mag-ina mo ngayon." muling humugot ito ng hininga at nagpatuloy. "Binigay ko ang basbas sa kasal niyo dahil ikaw lang ang nagbigay ng lubos na kaligayahan sa kanya mula ng mamatay ang kanyang ina. Kahit alam kong darating ang ganitong pagkakataon sa kanyang buhay." at narinig kong umiiyak na ang biyenan kong lalaki.

"Nung iwan mo siya ay sobra-sobra ang lungkot at galit niya sa dibdib niya. Pero nanatili at nangibabaw ang pagmamahal niya sa iyo sa kabila ng pasakit na ibinigay mo sa kanya - umasa siyang babalik ka. Kahit na di niya alam kung paanong ipapaliwanag kay Nel ang nangyari. Kahit na di niya alam kung paano niya ipapaliwanag sa magiging anak niyong lalaki kung bakit wala ang ama niya. Noel, buntis si Hannah ng iwan mo at lalaki ang inyong anak." humahagulgol na ang byenan ko.

"Hanggang ngayon ay ino-obserbahan pa si Hannah at ang batang nasa sinapupunan niya, pero nakikita ko ang kawalan ng pag-asa kay Hannah. Nakikiusap ako sayo na bigyan mo ng katwiran para mabuhay si Hannah. Kailangan nila ikaw. Nadito ang mag-ina mo sa PGH sa room 301." at naputol na ang linya.

Mula sa kawalan ay narinig ko sa aking isipan ang tinig ng aking mag-ina.
"Ano ka ba, napaka-aga pa para gumawa ng bata. Ayan o dumedede pa nga itong si Nel e dadagdagan mo naman hihihi!. Mamaya na lang hahaha!"
"Loko ka, kaya pala ibinigay mo kay Tatay si Nel para maka-iskor ka ha. Sige na nga! hihihi!"
"Alam ko gusto mong magka-anak na lalaki, kung babae ulit magawa natin mahal mo pa rin ba ako?"
"Papa, tanong ako ni Weng sino daw bespren ko. Sabi ko si Mama at Papa ko!"
"Papa, bakit umiiyak si Mama. Di ba dati yakap mo Mama pag-iyak siya. Yakap mo na Mama para tigil na siya iyak!"

Hinawakan ko ulit ang rebolber ko at napansin kong basa ito. Di ko pala namalayan na luhaan na ako. Pinunasan ko ang luha ko at tinanggal ang mga bala ng rebolber. Maya-maya ay lumapit si Roger sa akin.

"Noel, gusto mo ba ako na tumapos dun sa gagong yun?" tanong ni Roger sa akin.

Hindi ako sumagot. Pinuntahan ko si Mark at itinutok ang baril. Huminahon na ito pero ng makita akong muli ay nangilid na naman ang luha nito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata ng itutok ko sa sintido niya ang baril.

"CLICK!" kinalabit ko ang baril pero dahil inalis ko na nga ang bala ay hindi ito pumutok.

"Umuwi ka na! At sa oras na lokohin mo si Aileen, sisiguruhin kong may bala na ang baril ko pag kinalabit ko ito. Mas makabubuti ring wala ng makaka-alam pa nitong pangyayari." binigay ko kay Roger ang baril. "Ihatid niyo na yan!" at nagmamadali akong tumakbo sa aking sasakyan. Nakita ko na lang na nagkakamot ng ulo ang tropa pero wala silang magawa pagkat ito ay ipinag-utos ko na sa kanila.

Habang tumatakbo ang sasakyan ay nagdial ako ng numero. Pinindot ko ang numero 2. Maya-maya ay sumagot ito.

"Noel, o nasaan ka na? Kanina pa ako tawag ng tawag sa'yo." garalgal na tinig ni Aileen.

"Gusto ko lang marinig boses mo." sagot ko at huminga ako ng malalim bago ako muling nagsalita. "Sorry sa lahat ng binigay kong problema sayo. Binibigay ko na sayo ang kalayaan mong magmahal ng iba." dugtong ko. At narinig ko na lang ng umiiyak na si Aileen sa kabilang linya.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong nito sa akin.
"Alam ko na ang tungkol sa inyo ni Mark. At gusto kong malaman mong hindi ako tutol sa relasyon niyo." muli kong sagot.

Tumahimik lamang siya at waring naghihintay ng susunod kong sasabihin o nag-iisip siya marahil ng kanyang sasabihin.

"Gusto ko lang ding malaman mo na minahal kita sa kabila ng lahat. At alam kong alam mo yun."dagdag ko pa.

"Noel, sorry kung niloko kita. Di ko alam ang gagawin ko. Alam mong mahal na mahal kita pero lugi ako sayo meron ka ng asawa at anak. Baligtarin man natin ang mundo di kita pwedeng mahalin. Ang daya mo eh di ka na pwede eh huhu!" at narinig ko siyang humagulgol na parang bata. Isang bagay na higit na umakit sa akin ng makilala ko siya.

"Gusto ko ring malaman mo na kahit hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita, at kung gusto mo ay iiwan ko si Mark para sayo." dagdag pa niya.

"Hehe! Hindi na kailangan. Sa tingin ko naman ay liligaya ka sa piling niya at sa tingin ko ay mahal na mahal ka naman niya. Wag mo ng itanong kung bakit. Pulis ako no at isang tingin ko pa lang ay kita ko na kung totoo ang isang tao o hinde." pagdidiin ko sa kanya.

"Sige na, paki-ayos na lang ng mga gamit ko at kolektahin ko dyan isang araw. Bye!" pagpapa-alam ko. Narinig ko pa ang mga katagang kanyang sinabi bago ko tuluyang tinapos ang tawag sa kanya. "Bye, Thank you Noel. I love you!"

Noon ko lang naramdaman muli ang ganoong kasiyahan. Di ko pa rin maintindihan ang mga nangyayari. Patuloy pa rin sa pagdaloy ang aking luha, marahil sa magkahalong lungkot at saya. Lungkot ng pamamaalam at saya ng muling pag-usbong ng pag-asa sa pagkabuo ng aking tunay na pamilya.

Bago ko pa tuluyang ibinaba ang cellphone ay muli akong nag-dial dito. Pinindot ko ang numero 1 at SEND. Nag-ring ang phone.

"Hello.. Noel?" garalgal na sagot ni Hannah.
"Hello, makinig ka lang muna sa sasabihin ko. Gusto ko sanang humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa inyo ng anak natin. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano kayo kahalaga sa akin. Sana mapatawad nyo ako. Papunta na ako diyan. Pagaling ka ha!" masayang sambit ko.
"Noel..... pinatawad na kita.... noon pa.... gusto na kitang makita." may dagdag na sigla sa kanyang tinig.
"Malapit na ako, pinaparada ko na ang sasakyan. Maraming salamat at pinatawad mo ako. Hindi ko na kayo ulit iiwan, pangako! Mahal na mahal ko kayo. Sige na bye na at akyat na ako!" pagmamadali kong paalam.
"I love you sweetheart!" pagpapaalam sa akin ni Hannah.
Wala akong sinayang na oras. Tumakbo ako na parang wala na akong oras, hinawi ko ang mga taong aking nasalubong. Nakangiti at luhaan kong tinungo ang silid ng aking mag-ina.
"Nandito na ako mahal ko! at di ko na kayo muling iiwan pa." masayang bulong ko sa aking sarili.


Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

0 comments: