Tuesday, February 10, 2009

Dalangin ni Julian

Hawak ang isang rosaryo, patuloy sa pag-usal ng panalangin si Julian. “Diyos ko po, patawarin niyo po ako sa mga nagawa kong kasalanan.” – mahinang bulong ni Julian. “Wala na po akong ibang hihilingin sa inyo kundi iligtas niyo po ako sa kamay ng mga masasamang-taong ito.” patuloy ni Julian.

“Tay! Lumipat nga kayo doon sa katre. Nandoon sa lapag yung pagkain niyo.” Sabi ng isang patpating lalaking nakahubad na pang-itaas habang patuloy ito sa paghithit ng kanyang sigarilyo. Itiniklop nito ang di-tiklop na kama kung saan kanina lamang ay naka-upo at nananalangin si Julian.

Pangko ang unan at kumot, lumipat si Julian sa katre at inalalayan pa siya ng lalaki sa pagbuhat ng mga gamit pang-tulog niya at sa pag-angat ng unan ay may nangalaglag na mga larawan. Pinulot ito ng lalaki. “O nalaglag niya pa ito.” – tugon ng lalaki. Akma sanang titingnan nito ang mga larawan pero agad-agad namang dinaklot ni Julian ang mga larawan at matapos ay niyakap ito at mabilis na umupo sa katre. Bumuntung-hininga na lamang ang lalaki at umiling-iling.

Sa tapat ng pinto ay may isang lalaki pa na medyo may kalakihan ang katawan, naka-pantalon lamang ito at wala ring pang-itaas at ito ay kanina pa naninigarilyo. Maya-maya pa ay may pumasok na isang lalaking naka-akbay sa isang magandang dalaga. Naka-pormal ang isang lalaking ito, nakasalamin at naka-polo. "Ito marahil ang kanilang pinuno." - pag-iisip ni Julian. Kasunod lamang nito sa likuran ay isang lalaking malaki ang katawan. Indo ang ngalan ng lalaking may malaking katawan at sa lahat ng tao sa lugar na iyon ay yun ang nagdudulot ng malaking takot kay Julian.

Pagkakita ay agad-agad nag-taklob ng kumot si Julian at sa pagkakahila niya sa kumot ay nalaglag ang kanyang unan sa mga pagkaing dapat ay para sa kanya. Tumapon ang kanin at ulam sa sahig at ito ay kumalat. Ang sabaw ay tumapon naman sa unang nalaglag.

“Putang-ina! Sinong!” – sigaw ni Indo. Kitang-kita ni Julian ang anino ni Indo mula sa kumot na tumatakip sa kanya at nakita niyang papalapit ito sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso at kanyang paghinga sa takot at dahil dito ay lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa takip na kumot. Nakita niyang tumungo si Indo at narinig niyang tumutunog ang mga plato. “Sino naman tangang naglagay ng pagkain dito sa lapag ng katre?” – tanong ni Indo.

“Si Etoy naglagay niyan diyan!” –sambit ng lalaki sa pinto.

“Uy! Tang-ina mo sabi mo wag ko ilagay sa ibabaw dahil nung nakaraan ay naupuan niya yung pagkain kaya nilagay ko sa lapag.” – depensa ng patpating lalaki na nasa gilid ni Julian at namumulut na rin ng mga tumapong pagkain.

“Wag na kayong mag-sisihan pulutin niyo na lang yan.” – sambit ng isang babae. Di matukoy ni Julian kung sino ang nagsabi pagkat nakatakip pa rin siya ng kumot.

“Hoy! Pulitin mo nga itong tinapon mo!” – utos ni Indo kay Julian. Naramdaman niyang hinihila ni Indo ang kumot at bago pa ito tuluyang matanggal ay narinig niyang may pumalo sa kamay ni Indo.

“Tarantado ka talaga Indo, ano ginagawa mo? Tatakutin mo pa yung tao, takot na nga sayo!” – sambit ng babae. At naramdaman niyang may humawak sa kamay niya at dahan-dahang inilililis ang kumot. “Sige na Tay!, kain na po kayo. Heto yung pagkain niyo, kumuha na ako ng bago.” – malambing na sabi nito kay Julian.

Tumambad sa kanya ang babaeng may maamong mukha. Noon niya lang nakita ang babaeng iyon at hindi iyon ang kaninang babaeng dumating dahil mas may edad ang babaeng nasa harap niya ngayon. Nang matapos kumain at mabusog na siya ay uminom siya habang tumitingin-tingin sa paligid.

Sa sala lamang natutulog si Julian na katabi ng isang maliit na kusina at may isang maliit na kwarto sa gawing likuran niya. Walang masyadong gamit ang bahay na iyon kundi ang nag-iisang radyo sa kusina. Sa likod ng mga pinto ay mga nakasabit na maruming damit at mga nakasalansang lumang dyaryo sa kusina. Liblib ang lugar na iyon. Minsang lumabas si Julian upang sumagap ng sariwang hangin ay nakita niyang malalayo ang agwat ng bawat bahay doon. Bihira rin ang sasakyan doon pagkat hindi patag ang daan at di rin sementado.

Nakita niyang nakikipag-usap ang nakasalamin at disenteng lalaki kay Indo at pareho silang nagtatawanan. “Tingnan mo to!” – sabi ni Indo sa lalaking naka-salamin at pagkatapos ay lumingon sa kanya si Indo at tiningnan ng masama. Nag-ring ang cellphone ng lalaking naka-salamin at tiningnan kung sino ang tumatawag sa kanya.

“Ano?! Ano tinitingin-tingin mo diyan?!” – pagalit na tanong ni Indo kay Julian.

“Sira ka talaga! Sandali lang ah, importante ito.” – patawang sabi ng lalaki kay Indo at matapos ay malakas na tinapik nito ang balikat ni Indo at lumabas para doon ituloy ang pakikipag-usap.

Matapos pakainin ay pina-inom siya ng babae at naghandang lumabas. “Hoy! Indo!” sabay kurot sa tagiliran ni Indo. “Tarantado ka talaga! Sabi ko bantayan mo si Tatay di ko sinabing takutin mo!” – natatawang sabi ng babae kay Indo. “Aray kupo! Hehe!” pitlag ni Indo.

“Kasabwat din pala ang babaeng iyon. Akala ko pa naman ay pwede akong humingi ng tulong sa kanya.” – isip ni Julian habang nakatingin sa papalabas na babae. Muli ay hinawakan ni Julian ang kanyang rosaryo at umusal ng panalangin.

“Panginoon ko! Bakit niyo po ako ibinigay sa kamay ng mga taong ito. Bigyan niyo po sana ako ng pagkakataong makatakas dito sa lugar na ito.” Panalangin ni Julian.

“Tay! Matulog na kayo.” Utos ni Indo.

“Diyos ko po! Ayoko ng magtagal sa lugar na ito, kung maaari lang po ay kunin niyo na ako.” - patuloy ni Julian.

“Tay! Sabi ng matulog na kayo eh!” – sigaw ni Indo.

Halos mapatalon sa gulat si Julian at agad-agad itong nahiga at nag-takip ng kumot.

“O di natulog.” – sambit ni Indo sa dalawang lalaking nagbibidahan at sabay-sabay na nagtawanan ito.

Hindi pa tulog si Indo. Malikot ang kanyang mga matang nagmamasid ng mga anino sa kanyang kumot. Maya-maya ay naramdaman niyang may tumabi sa kanya.

“Tay.... tay.... hetong unan o nabasa kasi kanina yung unan niyo.” – tugon ng isang babae. Sandaling nakiramdam si Julian. Hindi iyon ang boses ng babaeng may maamong mukha. Dahan-dahan niyang inililis ang kumot at tumambad sa kanya ang nakita niya kaninang magandang dalaga.

Umupo siya sandali at nagmasid habang kinukuha ang unan. Nakita niyang ang lalaking naka-disente ay sumesenyas ng pagtawag sa dalaga samatalang ang tatlong lalaki naman ay nasa kusina, si Indo at ang dalawang lalaki. Nagbubulungan ang tatlo sa kusina. Pinag-uusapan marahil ang planong pagpatay sa kanya sa isip-isip ni Julian.

“Kinidnap ka rin ba nila?” – bulong ni Julian sa dalaga. “Buti pa, distract mo sila habang ako tatakas.” – dugtong ni Julian.

“Hindi po ako kinidnap Tay. Mabuti pa po ay magpahinga na kayo at kailangan niyo po iyon.” – sagot ng dalaga. Inayos ang higaan ni Julian at tinulungang mahiga si Julian at matapos ay hinalikan siya sa noo.

“Sige po Tay alis na kami ni Kuya.” – paalam ng babae habang iiling-iling itong umalis.

Muli ay tinakpan niya ang mukha ng kumot. Dumaloy ang mga luha sa kanyang mga mata. Umusal muli ng panalangin. “Panginoon, wala na po akong pag-asang makatakas pa sa lugar na ito. Hiling ko na lang po ay ang kunin niyo na sana ako.” – dasal ni Julian.

Kinabukasan ay dumating muli ang babaeng may maamong mukha at ginising si Julian.

“Tay.. Nandito na kaming tatlo nila Ate Malou at Ate Vinie. Tay..”

Kasunod niyon ay ang mga panaghoy ng tatlong babaeng nasa kanyang paanan.

“Tatay! Mahal na mahal namin kayo! Huhu!” panaghoy ng tatlo.

Yakap ang larawan ng tatlong batang kanyang pinakamamahal na anak, sina Rosa, Vinie at Malou.

Si Julian, animnapu’t walong taong gulang ng bawian ng buhay sa sakit na Alzheimer's disease sa pangangalaga ng kanyang tatlong apo kay Malou, sila Indo, Etoy at Usel. Nandoon na rin ang dalawang apo pa niyang sila Vina na kanina pa luhaan at si Elton na patuloy din sa pagluha habang nililinis nito ang kanyang salamin.

Saan man naroroon si Julian ngayon ay siguradong payapa na ang kanyang kalooban at walang pangamba.



Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

0 comments: