Tuesday, February 10, 2009

Birthday Gift 2

Nagising si Rudy sa malamig na bagay na dumikit sa kanyag batok at sa ingay ng barkada. Tawanang malakas na sabay sa buga ng usok mula sa marijuanang kanilang hinihithit. “Bwa haha! Kita mo reaksyon niya nung lumitaw ulo ko sa dilim, haha! Putang-ina! Halos di niya maisilid yung kargada niya. Putang-ina tingnan niyo basa pa yung pantalon sa ihi haha!” sigaw ng isang barkada. “Tang-ina mo ka akala ko kasi kapre ka, tang-ina! ang pangit mo kasi haha!” asar na bawi ng isa.

Hawak ang hubad na dibdib at nakatingin sa kisame. Maya-maya’y umupo muna si Rudy ng sandali. “Sandali, sandali makinig kayo! Alam niyo kung sinong tao ang pinaka-bilib ako? Dito kay Rudy. Mas ninais pa nitong makasama tayo kesa pamilya niya sa espesyal na araw niya! Happy Birthday Rudy! Tagay nga dyan o – pang-mumog.” bati ng isang barkada habang inaabot ang isang maliit na basong may lamang gin at beer na pinaghalo.

“Tang-ina niyo ang dami nyong pautot haha!" tawa nito matapos inumin ang alak na tinagay sa kanya. Tumayo si Rudy upang pumunta sa banyo. Umihi at matapos ay naghilamos. Naghanap ng pamunas sa drawer ngunit dalawang kwarentay-singkong baril ang nakita niya dito. Kinuha nito ang isa at nagkunwaring si Clint Eastwood. “Go ahead, make my day!” habang itinuturo ang baril sa salamin. Nagulat ito ng may makitang kung ano sa salamin at napa-talikod at sabay umang ng baril sa harap nito. Wala siyang nakita ng tumalikod siya. Napa-buntong hininga ito. Kinapa ang bulsa upang mag-hanap ng yosi. At ng ilabas ang laman ng bulsa ay panyo ang nakita niya. Ipinunas niya iyon sa basang mukha.

Nagtaka siya pagkat ang alam niya ay wala siyang panyo. Ng iladlad niya ang panyo ay nakita niyang pang-babae ito at may naka-sulat dito. “Happy Birthday!” na nakasulat pa sa dugo. Nag-isip ito kung sino ang magbibiro sa kanya ng ganoon. Kinilabutan siya ng may makita siyang itim na paru-parong nakadapo sa likod ng pinto. Maya-maya’y may narinig siya sa labas na kaguluhan. “Raid! Raid!” sigaw ng isang di kilalang barkada nito. Pinasok sila ng mga pulis.

Kinabahan siya at kasabay nito ay nakaramdam muli ng malamig na bagay na dumampi sa batok nito. Pagkatalikod nito ay may nakita siyang muling ikinagulat nito, agad niyang ipinutok ang baril ng sunod-sunod.

Narinig naman ito ng mga tao sa labas. Dahil dito ay nagtangkang manlaban ng mga barkada ni Rudy. Samantala, si Rudy ay tumakbo papalabas at dumaan sa likod-bahay. May narinig na lang siyang mga putukan at may nakita pa siyang mga barkadang tumatakbo sa likuran niya. Pagbukas ng pinto ng likod-bahay ay nakita nito ang ibang mga pulis at agad din itong nagpa-putok sa mga ito. Tinamaan niya pa ang isa. Takbo ng matulin ito habang nagpapa-putok naman ang mga pulis.

“Aahh! Rudy tulong!” tinamaan ang isang barkada at humingi ng tulong kay Rudy ngunit di niya ito pinansin. Patuloy siya sa pagtakbo. Di naman nakalayo si Rudy pagkat tinamaan din siya ng bala sa kaliwang-pige at sa kanang bewang. Nadapa ito at tumilapon ang baril sa isang kanal.

“Buhay pa ito, Sir.” sabi ng isang pulis. Lumapit ang isa sa mga may ranggong pulis. Tiningnan si Rudy. Itinaas naman ni Rudy ang kanyang mga kamay tanda ng pagsuko. Umatras ang may ranggong pulis at saka siya niratrat ng M16 sa ulo. Sabog ang mukha nito, kumalat ang utak sa aspaltong kinahihigaan nito. “Tang-ina mo! Binoga mo pa isang tauhan ko.” gigil na sabi ng namumunong pulis.

Nabalikwas si Noel, pawisan at humihingal. Anong klaseng panaginip ito. Kabado siya sa bagong panaginip nito. Mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan mula ng una siyang managinip ng ganito. Agad itong tumayo at sumilip sa bintana. Walang kaguluhan at walang tsismisan sa harap ng bahay. Naka-hinga siya ng maluwag at napaupo sa tapat ng bintana. Nagulat ito ng may maramdamang malamig na dumampi sa kanyang batok. Balikwas siya at napa-atras sa gawing bintana. Lakas naman ng tawa ng ina ni Noel ang sumunod na bumulaga sa kanya.

“Hahaha! Gigisingin sana kita gamit itong kamay kong binabad sa yelo pero gising ka na pala! Bakit naman ganyan ang reaksyon mo? Para kang nakakita ng multo.” at muling tumawa ang ina. “Luto na ang almusal, kumain ka na at mahuhuli ka na sa klase mo.” patawang sabi ng ina habang naglalakad palabas ng kwarto nito.

Bumuntung-hininga at napa-upo siyang muli at sandaling nagmuni-muni bago bumaba.

Habang kumakain ay nanonood naman ang ina ng balita kaya pinanood na lang nito ang balita.

“Nandito po tayo ngayon sa liblib na lugar na kung tawagin ay Calderon, dito sa Diliman Quezon City sa isang pinaghihinalaang hide-out umano ng isang big-time syndicate na nagtutulak umano ng shabu at marijuana na matagal ng minamatyagan ng mga pulis. Sa kasalukuyan po ay hindi tayo pinayagang makapasok sa loob na umano’y nag-mistulang blood-bath daw po. Ayon po umano sa mga pulis ay nag-deklara sila ng raid at nanlaban daw po umano ang mga suspects. At may mga ilan pa raw pong naka-dampot ng mga itinatagong baril. May tatlong pulis po ang sugatan at isang pulis po ang napatay sa insidenteng ito. Samantalang ang lahat naman po ng suspect ay napatay sa palitan ng putok na nangyari. Lima po ang napatay sa loob at dalawa naman ang napatay sa labas ng kanilang hide-out. Heto po sa inyong harapan ngayon ang mga larawan umano ng mga suspects at kopya ng warrant-of-arrest na inaprubahan umano ni Chief ......” pawang di na narinig ni Noel ang lahat ng sinasabi ng reporter ng makita nito ang mukha ng isa sa mga suspects na napatay. Ito ang lalaking nakita niya sa kanyang panaginip.

Nabahala siya sa nakita at sa mga nangyayari sa kanya. Bakit siya nagkakaroon ng mga pangitaing ito? Ano ang koneksyon ng dalawang pangitain niya? Mga tanong na patuloy na sumisigaw sa kanyang isipan.

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

0 comments: