Thursday, July 23, 2009

Reaksyon kay Mike Avenue - Tsokolate

Ng minsang namamasyal ako sa PEBA ay nakita ko ang artikulo tungkol kay Mike Avenue na naging kontrobersyan ang kanyang komento tungkol sa mga OFW. Kaya heto ang reaksyon ko sa kanyang mga tinuran.

"Nagkasya kasi tayo sa mga second choice dahil ang mga de-kalibre, naroon at kasalukuyang minumura ng amo kapalit ng dolyar. Bayani ka bang tatawagin kung humahalik ka naman sa paa ng mga dayuhan? Labag yata iyan sa prinsipyo ni (Dr. Jose) Rizal. Baka bumangon si Rizal."

-- Di ko kilala itong Mike Avenue na ito, di ko rin alam kung OFW din ito o isang mayamang tao. Alam ba niya ang ibig sabihin ng bayani? baka ang ibig sabihin ng bayani sa kanya ay nakaupo sa trono at puro ginto sa katawan. Ang magtrabaho sa ibang bansa ay isang desisyon ng kahit sino man. Totoong ang karamihan sa mga OFW ay madalas na mamura ng kanilang amo pero hindi ibig sabihin nito ay kailangan naming humalik sa paa ng mga dayuhan.

"Sayang ang mga talento na dapat sana’y sariling lupa ang nakikinabanag. Sayang ang mga pawis na sana’y didilig sa uhaw na mga kapatagan ng mamamayan. Sayang ang mga ugat na magdudugtong sana sa yaman at kaban ng bansa."

-- Ang kaso kasi ganito, hindi naman kayang ibigay ng Pilipinas ang lupang pinapangarap ko. Noong nasa Pilipinas ako ay apat na taon akong nagtrabaho ngunit ni lupa sa paso ay hindi ako nakabili. At masyadong mataas ang standards ng ating bansa, ang hirap makakuha ng trabaho.

"Ikakatwiran na walang pag-asa rito. Mahirap ang buhay dito. O talagang mahilig lang ang iba sa “piso tamang barko." Meron din naman dito. Kaya lang, ang mga bagay na narito, ayaw naman natin. Para lang din sinabing “walang akong magawa." Marami ka naman pwedeng gawin. Kaya lang, itong mga bagay na available na gagawin mo, ayaw mong gawin, tinatamad kang gawin o may iba kang gustong gawin."

-- Hindi nga talaga nag-iisip ang taong ito, paano naging "piso tamang barko" kung dugo't pawis ang ibinibigay mo. Sa kanya na mismo nanggaling na ang mga tao dito ay halos sambahin ang kanilang amo - maituturing bang piso ang sakripisyong iyon? Wala kasi siya sa posisyon ng mga taong salat sa kaginhawan.

"Isa lang dahilan kung bakit nagpapaalipin sa ibang lahi ang mga Pinoy. PERA. Masasabi kong iyan ang nag-iisang dahilan. Kaya nga mas gusto pang gawing panginoon ang mga dayuhan para sa salapi. Hindi dahil sa kung ano pa man at sino pa man. Ang ibang dahilang maiisip mo, bagamat nasa estado ng pagsasakripisyo at pagpapakahirap, babagsak at babagsak din sa kategoryang pera ang dahilan."

-- Totoong PERA. Mabibili ba ng dura ang lupa ko? Hindi yata importante sa kanya ang pera e di ibigay niya lahat sa OFW. Ang mangarap ay libre pero sa oras na isasakatuparan mo ang bawat pangarap mo PERA ang katapat noon.

"Hindi sila magpapaalipin sa ibang lahi dahil sa Pilipinas. Tinanggihan nga nila ang Pilipinas. Nawalan sila ng pag-asa sa Pilipinas. (At nakakapagtaka, ang bansang iniwan nila sa ere noon ay ang bansa ring tumatawag sa kanila na mga bagong bayani ngayon.) Ang dahilan ng pagtatrabaho ng isang OFW ay upang maiangat ang kabuhayan ng pamilya at sarili. Hindi dahil gustong maiambag ang sakripisyo sa bansa. Hindi upang magpakabayani. Walang ganoon. Dahil kung ganoon, pwede namang makatulong nang hindi umaalis. Ang totoo, lahat ay sa sariling motibo lamang nabubuhay. Gustong-gusto kasing maging Victoria’s Secret ang ginagamit na pabango ng asawa na dati’y White Flower lamang."

-- Ang totoo niya ay sila ang tinanggihan ng Pilipinas. Nag-apply sa isang kumpanya pero hindi natanggap, kailangan daw ay may tinapos na kurso. Tama rin siya na totoong pansariling motibo ang ang dahilan kung bakit kami nangibang-bayan pero hindi niya marahil alam na nakatutulong ang mga OFWs sa Pilipinas sa pamamagitan ng aming mga remittances. Ngayon kung di niya makita iyong tulong na sinasabi namin, tingnan na lang niya yung bulsa ng mga kurakot nating gobyerno (Yung kurakot lang ah, wag mag-react ibig sabihin isa rin siyang kurakot pag nag-react). Actually ang iba nating kababayan ay ni walang pambili ng White Flower tapos di makapasok ng maayos at stable na trabaho diyan sa Pinas, kaya sila nangibang-bansa. Dito pag kaya mo yung trabaho ay tanggap ka ke tapos ka o hindi ng pag-aaral.

"At, marupok din ang lubid sa kabila. Ipinapanalangin kasi ng isang OFW na tumaas nang tumaas nang tumaas ang halaga ng dolyar laban sa piso. Para nga naman mas maraming salapi ang katumbas ng kanilang pagpapaalipin. Gustong-gusto nila na mataas ang palitan ng dolyar. Kapag mataas ang palitan ng dolyar sa piso, ibig sabihin mas maraming pera ang maibibigay kay Misis. Mas maraming pera, mas maraming pambili ng Victoria’s Secret."

-- Nilahat naman niya, pero totoong karamihan talaga ay ipinapanalangin na tumaas nga. Pero di niya itinanong kung bakit. Kasi naman po sa kabila ng sinasabing ng gobyerno na nagiging stable na ang peso kaya bumababa ang dollar pero ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman bumababa bagkus ay tumataas pa. Samakatuwid ginoong Mike, ang perang ipinadadala namin ay lumiliit din. Ano kaya ang mangyayari kung tumataas ang bilihin at ang sahod mo ay lumiliit? Puro kasi Victoria's secret ang nasa isip niyo eh.

"Ang problema, kapag mataas ang halaga ng dolyar, mababa ang halaga ng piso. At kapag mababa ang halaga ng piso, ang ibig sabihin, mababa rin ang ekonomiya ng bansa. At kapag mababa ang ekonomiya ng bansa, mataas ang mga pangunahing bilihin at siyempre pang apektado ang mga karaniwang manggagawa na sumusuweldo ng mababa dito sa Pilipinas."

-- Yun nga ang kaso eh. Bumababa ang halaga ng piso maging ang ekonomiya ng Pilipinas at ang tanging tumataas lang ay ang presyo ng bilihin, ng gasolina at pati kilay ko ay tumataas na.

"Nakakalungkot din ang katotohanan na ang mga OFW ang dahilan kung bakit nabansagan ni Tsip Tsao ang Pilipinas na “nation of servants". Kung walang apoy, siguradong walang usok. At tanggap ko. Kung walang magpapaalipin, tiyak na walang tatawaging alipin. Hindi mo ba matanggap na tawaging ganoon? Kung domestic helper ka at gusto mong tawagin kang manager, pumunta ka sa Philippine Embassy at maghuramentado ka doon. Kung mas gusto mo naman na tawagin kang bayani alang-alang sa sakripisyo mo sa sarili mo at sa pamilya mo, pumunta ka sa monumento sa Caloocan at tabihan mo si Bonifacio."

-- Yan ang isang bagay na hindi maiiwasan. Kung patuloy sa pagntanggi ng Pilipinas sa bawat manggagawa natin dahil sa taas na standards ng ating bansa habang patuloy naman sa pagtaas ng ating mga bilihin ay maaasahan mong haharapin ng bawat mamamayang Filipino ang makibaka o magpa-alipin sa ibang lahi. Bakit? Hindi dahil gusto nilang maging bayani kundi dahil gusto nilang buhayin ang kanilang pamilya. Hindi ba't ang bayani ay pagsasakripisyo para sa iba maliban sayo? Aanhin naman namin ang taguriang bayani kung gutom naman ang pamilya namin? Kaya yung imbitasyon mong magpakabayani sa tabi ni Bonifacio, mag-abang ka ng kahit isang libong taon ay walang pupunta doon, dahil di namin habol ang bayaning sinasabi mo.

Nakikita ko ang point ni Mike, na dapat ay di tawaging tsokolate este bayani ang mga OFW. Well, ang masasabi ko lang ay... sa kanila na yung bayani akin yung glory. In the end alam ko na lahat ng pagpapakahirap ko ay may kahihinatnan at yun ay ang mapabuti ang kalagayan ng pamilya - kahit na di ako tawaging bayani ng iba - I am sure bayani ako ng pamilya ko.

0 comments: