Wednesday, July 22, 2009

Buhay OFW

Una sa lahat ay nais kong ipaabot ang pasasalamat ko sa mga bumubuo ng PEBA o Pinoy Expats/OFW Blow Awards at tinanggap nila ang aking entry for year 2009 PEBA Awards. Ang artikulong ito ay alay sa bawat OFW at sa mga nagnanais na pumunta sa gitnang-silangan o dito sa Saudi Arabia. Ang ilang sa inyong mababasa ay pawang may katotohanan, di ko ito inalis sa aking ginawa pagkta ito talaga ang aking naging obserbasyon dito sa bansang Saudi Arabia at base na rin sa aking eksperyansa dito. Bato-bato sa langit ang tamaan wag magagalit.

=== Ang Buhay OFW ni Noel (Saudi Arabia, Jeddah) ===

Noong ako'y musmos pa lamang, naalala ko ang eksenang umuuwi ang mga galing sa bansa ng mga Arabo. Nakita ko si ninong na may kwintas na ginto at magarang relong Seiko 5. At talaga naman pinupugaran ng mga kamag-anak ang kanilang tahanan sa tuwing dumarating ito.

Naisip ko tuloy na napakasarap siguro ng buhay nila sa Saudi dahil nagagawa nilang bumili ng mga mamahaling bagay. Siguro nga ang sabi ko lamang sa aking isipan.

Noong ako ay nagtapos ng bokasyonal na Computer Programming, ni ga-patak na ideya ay pumasok sa isip ko na makakarating ako sa Saudi. May isa akong kaibigan noon na nagtungo sa Jeddah-Saudi upang magtrabaho, mga isang taon din siya noon sa Saudi. Nang minsang hiningi niya sa akin ang aking resume ay ibinigay ko naman kahit na ayaw ko sa Saudi Arabia. Kasi talagang ayokong umalis ng pinakamamahal nating bansa. Noong mga panahon na iyon ay may maayos naman akong trabaho at magandang posisyon.

Balita
Isang araw na lang ay ibinalita sa akin ng aking kaibigan na gaya ko ring nagpasa ng resume. Tanggap na daw kami at lakarin na raw namin ang aming papel para tumungo na sa lugar na iyon. Talaga namang magkahalong tuwa at lungkot ang nadama ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam kung nananaginip ba ako o totoo ang lahat ng narinig ko.

Sentimyento ni Mommy
Ang naaalala ko noon ay nasa opisina ako ng matanggap ko ang tawag ng aking kaibigan. Hindi ako nakakibo ng mga oras na iyon hanggang sa umuwi ako. Nang ibalita ko iyon sa aking minamahal na ina ay talaga namang sentimyento de kalbaryo ang narinig ko mula sa kanya. Paano na raw ang gagawin niya sa oras na umalis ako, sino ang tutulong sa kanya sa pagkalinga sa mga kapatid ko at kung ano-ano pa. Gusto ko sanang biruin na “Ayaw niyo pala akong umalis e di sige, hindi ako aalis!”, pero alam ko nung mga oras na iyon, yun ang pinaka-seryosong usapan namin ni Mommy.

Malaking hirap din ang dinanas ni Mommy para kami pagtapusin kahit ako ay sa isang vocational school lang nag-aral. At sa tanang buhay ko ay minsan ko lang makitang tumawa o ngumiti si Mommy kaya naman nagdiriwang ang mga anghel sa tuwing maririnig ko ang halakhak niya kahit na minsan ay nagmumukha akong tanga sa ginagawa ko. Ngayon pagkakataon ko na para palitan ang hirap na iyon.

Paglisan
At tumungo na nga ako ng Jeddah, Saudi Arabia. Hindi ko na matandaan ang petsa pero iyon ay sa buwan ng Nobyembre, taong 1998. Sa eroplano pa lang ay maluha-luha na ako. Ganun pala ang pakiramdam ng paalis ng bansa at mapapalayo sa aking pamilya. Pero nagbago iyon nang lingunin ko ang kaibigan kong kasama kong natanggap, bakas sa mukha niya ang excitement ng freedom kaya naman natameme ako at parang nakaramdam ng kaunting hiya. Siguro ganun din ang feeling niya at magaling lang siyang magtago ng kanyang nararamdaman, yun na lang ang sinabi ko sa aking sarili para naman di ako masyadong mapahiya sa sarili ko.

Jeddah, Saudi Arabia
Paglapag namin sa paliparan ng King Abdulaziz International Airport-Jeddah ay katakot-takot na paghahalungkat ang ginawa ng mga arabo sa gamit ko. Feeling ko, sinusungkal ang buong pagkatao ko sa tuwing ipapasok niya ang kamay sa ilalim ng maleta ko hanggang sa iluwal niya ang mga gamit ko sa ilalim. At natapos naman ang sungkalan blues ng walang naging problema. Wala silang nakitang anumang interesado sa aking maleta maliban sa brief kong pula na pagkatingkad-tingkad ng kulay, siyempre bumili ako ng bago nakakahiya namang isampay yung mga luma at butas-butas kong brief at iwagayway sa mga magiging kapit-kwarto ko di ba? Kung bakit naman kasi kailangan pang halungkatin ng husto ang gamit eh.

Maraming pumapasok sa isipan ko nang mga oras na iyon, kung anong mga kahaharapin kong tao at kung ano-ano pang bumabagabag sa isip ko, mga pangamba sa maaaring mga suliraning kahaharapin ko.

Sinalubong kami ng dalawang kaibigan at magiging officemates namin at kasama nila si Kuya Nanding. Sa ngiti pa lang ng matanda ay mawawala na ang pangamba mo sa buhay. Si Kuya Nanding ang tatay-tatayan namin sa Jeddah, isa sa mahalaga at naging malaking sangkap sa tagumpay ko upang mapaglabanan ang lungkot at pakikibaka sa banyagang lugar – dito ngayon, ako ay isa sa mga banyaga.

Sa church kami tumuloy at doon na din kami tutuloy hanggang kalian daw namin naiisin. Si Kuya Nanding ang pastor ng church na iyon kasama din niya bilang pastor si Kuya Manolo.

Naging madali naman ang pakikitungo namin sa mga boss namin dahil mababait naman sila, meron ding mga hindi kanais-nais pero mapalad daw kami dahil marami ding kaming mga mababait na kasamahan sa trabaho na mga arabo.

Homesickness, pag-aalala at mga alaala
Nang makibalita ako sa Pinas ay nalaman kong hindi masyadong nagkaka-kain ang bunso kong kapatid na noong mga panahong iyon ay magwa-walong taon gulang pa lamang. Miss na miss daw ako. Talaga namang halos matunaw ang puso ko sa lungkot at homesickness. Siguro dahil sa kasabikan ko noong magkaroon ng kapatid na lalaki, tapos nung meron na ay umalis naman ako at tumungo dito sa Jeddah. Na-miss ko rin ang pagtatalo namin ng kapatid kong babaeng sumunod sa akin, di ko akalaing mapapaluha ako habang iniisip ko ang away blues namin.

Ang ipinag-aalala ko lang noon ay kung magalit si Mommy ay talagang matindi kung ito ay mamalo, to the point na pag may nakuhang pamalo kung paano niya ito kinuha ay ganoon niya ipapalo sa’yo – isa sa madalas na pinag-aawayan nila ng yumao kong ama. Naaalala ko nang magalit siya sa bunso kong kapatid, kumuha siya ng sinturon at kitang-kita ko nang ibalunbon niya ang sinturon sa kanyang kamao habang nakalaylay ang bakal sa dulo nito, kaya ng kanya itong inihataw ay humarang ako pagkat alam ko masasaktan ng husto ang kapatid ko – hindi alam ni Mommy yun dahil sa sobrang galit. Masakit pala talaga ang palo ng sinturon lalo kung ang nasa dulo ay bakal – yun ang unang palang tinamo ko na hindi para sa akin. Isa pang naaalala ko ay nang magalit si Mommy sa kapatid kong babae naman. Ilang beses na kasing binigyan ng warning itong kapatid ko na magpa-paalam ng wasto pero hindi pa rin nagtanda, ang warning noon ni Mommy ay kakalbuhin siya.

Pagkasundo namin sa aking kapatid ay sinapak ito ni Mommy at dinala sa kwarto at katakot-takot na sigaw, sampal at sapak ang inabot nito. Ng maranig ko na hinahanap niya ang gunting para kalbuhin ay nagmamadali akong itinago ang mga gunting, inutusan ko pa ang mga katulong na mananahi na itago ang lahat ng gunting dahil baka hindi lang kalbo abutin ng kapatid ko, dahil di ko alam baka magdilim ang tingin ni Mommy at baka isaksak sa kapatid ko. So sa kabila ng lagi naming pagtatalo ng kapatid ko ay mahal ko ang mga ito. Pasensya na at nasama ito sa buhay Saudi, naisip ko lang kasi noon wala ng pipigil sa galit ni Mommy.

Misteryo ng Saudi
Balik Saudi tayo. Dito ay nakarinig ako ng ibang panig ng kwento ng Saudi. Mga bagay na di ko narinig noong ako ay nasa Pinas pa lamang. Naaalala ko yung kantang “Napakasakit Kuya Eddie” at doon ay marami akong narinig na ganoon ang naging buhay, totoo pala yung kanta ang sabi ko na lang sa aking sarili. Marami dito ang namumuhay na kasama ang ibang pamilya at walang exception, mapa-babae o lalake. Kabilaan ang imoralidad. Di ko alam kung ganoon din sa Pinas o mas marami pa dito, pero dahil siguro sa iilan lamang ang mga Pinoy dito kumapara mo naman sa Pinas siyempre. Kaya naging kapansin-pansin ang imoralidad sa lugar na ito. Hindi naging maganda ang kontribusyon sa akin nito, pagkat nagkaroon ako ng takot na mag-asawa sa mga nakita ko. Galing ako sa isang broken family kaya isang trauma na sa akin iyon, pero di ko akalaing mapupunta ako sa lugar na marami akong makikitang ganoon. Naaalala ko tuloy ang itinuro sa amin sa Bible study, parang Babylonia ito ng mga kababayan natin. Pero hindi naman lahat ay ganoon, bago kayo mangamba. Since nakatira ako sa church ay marami akong nakilalang tao, mababait at matulungin naman ang mga nakasama ko.

Kabayan - espesyal ka!

Sa mga good side naman po tayo. Naisip ko noon, kung sa Pilipinas ay gayun na lang ang hirap na makakuha ng tulong sa mga kapwa Pinoy. Ang ikinaganda dito ay pare-pareho kayo ng dalahing problema, pare-pareho kayong nangungulila sa inyong pamilya at nauunawan nyo ang isa't-isa. Kaya naman kahit minsan ka lamang na may maka-kwentuhan, sabihin na nating mga dalawang beses ay handa na itong tumulong sa'yo at ito'y lubos na nagpahanga sa akin.

Ang nakakatuwa pa nito lalo sa mga restaurant. Kapag pinoy ang waiter at pinoy ang customer, kwentuhan blues yan at may special treatment pa - minsan libreng kape o tsokolate. Dito ko na rin nakilala ang aking napangasawa at isa sa mga naging experience namin ay sa Steak House, mga pinoy ang mga waiter dito at talaga namang masarap ang pagkain at mababait ang mga waiter. Likas na dito ang maging paboritong manggagawa bilang waiter ang mga pinoy, dahil sa sipag, tiyaga, maasikaso, laging nakangiti at talaga namang di patatalong kagwapuhan.

Kasiyahan sa Kaharian
Siyempre di nawawala ang good time. Dito ang biyernes ay katumbas ng linggo sa Pinas. Pagdating pa lang ng gabi ng huwebes ay puno na ang mga malls, shopping centers at city centers ng di mahulugang-karayom na traffic ng mga Pinoy - dito sa Jeddah ang Balad ang pinaka-maraming Pinoy. Asahan mo saan ka man lumingon ay Pinoy ang inyong masisilyan.

TFC (True Filipino Channel) at GMA-Orbit ang natatanging pinagkaka-abalahan ng mga kababayan sa pang-araw-araw at kapag biyernes ay talaga namang get together ng mga barkadahan. Inuman sa karamihan ay di nawawala - hangga't makalulusot ay ilulusot ng Pinoy ganyan tayo katindi. Ang walang kamatayang Videoke ay nandiyan din. Halos every weekend ay may kasiyahan kahit walang okasyon. Sa amin, sa church kami kaya laging may salo-salo.

Gaya ng sa Pinas, kapag may laban si Pacquiao ay tunay itong umaalingawngaw. Madaling araw kung ipalabas ang pay-per-view ng laban ng ating bayani kaya pagdating ng tanghalian ay puno na ang mga shops ng mga nagtitinda ng pirata ng laban ni Pacquiao. O di ba, maho-homesick ka pa ba diyan? Siguro kung kukuha ng porsiyento si Pacquiao sa kanyang mga pirated DVD ay makakapag-pagawa pa siya ng bagong mansion.

Paskong Bakasyon
At bago ako nagbilang ako ng mga taon dito sa Saudi. Naalala ko noong una akong mag-bakasyon ay talaga namang super-excited ako, lahat na yata ng klase ng tsokolate ay binili ko. At para dagdagan pa ang excitement ko ay umuwi ako ng Pasko. Sa kabila ng mga paalala sa akin na wag akong umuwi ng Pasko ay tumuloy ako. Magastos daw ang buwan na iyon. Naging masaya ang aking bakasyon kapiling ng aking pamilya. Totoo ang sinabi nila, magastos. Halos magtatatlong linggo pa lang ako ay nauubos na ang pera ko at parang gusto ko ng bumalik ng Jeddah, hindi dahil sa ayaw ko na silang makasama kundi dahil wala na akong pera at pakiramdam ko ay balik palamunin na ako. Pero awa ng Diyos ay napagtagumpayan ko ang una kong bakasyon. Malaking leksyon sa aking buhay. Atleast ngayon kahit pasko ako umuwi ay alam ko na ang gagawin ko para umabot sa katapusan ng bakasyon na hindi nauubos ang pera.

Ang sentimyento ng mga OFW
Nagbilang pa ako ng mga taon at ang isang masasabi ko lang ay hindi naging madali ang buhay sa Saudi o maaaring mamuhay sa ibang lugar. Nakahanap na rin ako ng kasiyahan sa lugar na ito pero hindi pa rin ito mapapalitan ng ligayang nadarama ko kapag kasama ang aking pamilya. Hindi maiiwasan sa mga kababayan natin ang magtampo kapag hindi sila naaalala ng mga taong binibigyan o binigyan ng tulong sa Pinas. Bakit hindi? Pagkat ang isa sa mga inaasahang aalala sayo ay walang iba kundi ang pamilya mo. Nagpakahirap ka na humarap at makipag-sapalaran kasama ng ibang mapanglait na tao, tinanggap mo ang mga mura at alipusta ng mga nakatataas sayo na kung ituring ka ay isa kang dumi sa harap nila. Mga bagay na hinarap mo para lamang matustusan ang mga pangangailangan ng iyong pamilya.

Sana sa mga asawa o pamilya ng mga kababayan dito sa Saudi, alalahanin niyo kami at unawain. Gusto naming marinig bawat balita mapa-masama man ito o higit ang mga magagandang balita. Isang sentimyento ng isang nakilala ko dito, sa tuwing tatawag daw misis niya ay puro gastusin ang sinasabi sa kanya – talaga namang lungkot na lungkot ang nakikita ko sa taong iyon. Ito marahil ang isa sa dahilan kung bakit naghanap ng ibang ligaya ang karamihan sa mga kababayan natin dito.

Hindi lang sa Saudi, maging sa ibang bansa. Ang pakikipag-sapalaran ng bawat kababayan natin lalo sa panahon ngayon na ang ibang mga lahi ay bumamaba na ang tingin sa ating mga Filipino. Kung minsan kapwa Filipino na rin ay bumababa na ang tingin sa kanilang sarili. Pamilya lamang ang ligaya namin at siyang isang bagay na nagpapatibay sa amin.

Mabuhay ang mga OFW.




Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

11 comments:

RJ said...

Ito ang PEBA 2009 entry na nagdulot sa akin ng tinatawag na 'mixed emotions'.

Good luck, Noel! o",)

The Pope said...

Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong karanasan at katauhan bilang OFW, at sa iyong pagsali bilang nominado sa PEBA 2009.

Tama ka kaibigan, bagamat malayo tayo sa ating mga pamilya, sila ang ating sandigan, sila ang tanging dahilan kung bakit tayo naririto sa ibang bayan, upang mabigyan sila ng kaunting ginhawa sa buhay.

Purihin ka sa iyong makatotohanang panulat.

Noel Ablon said...

Kaya naman kasi ganito ang nilalaman nito pagkat ito talaga ang katotohanan. Ginawa ko ito before ako sumali sa PEBA, babaguhin ko sana para hindi naman gaya ng sabi mo na magkaroon ng mixed emo ang tao pero ang sabi ko sa sarili ko - PAKATOTOO kaya ito na rin ang post ko. Para malaman ng lahat ang katotohanan.

Ken said...

Thank you for joining PEBA.

You are now included in the poll widget. Please grab the nominee banner and display in your sidebar. You are nominee No. 24

Good luck in your entry!

Francesca said...

kumusta ka na ngayon Noel after 11 years?
If you dont mind my asking, nag asawa ka na rin ba?

welcome sa Peba.
Salamat sa entry mo.
All the best!

vangie said...

hi! i must say that you're a great brother as i was reading the "Homesickness, pag-aalala at mga alaala" part.. naiyak ako coz totoo yun until now di ko nakakalimutan na sinalo mo yung palong yun na dapat ay para skin at sa tindi ng palo ni mommy ay hinimatay ka.. sobrang awa at pagsisisi ang naramdaman ko nun na hanggang ngaun ibinabahagi ko sa mga close friendsa and mga pinsan ntin kung pano tayo magpahalaga sa relasyon natin bilang magkapatid.. gaya nga ng laging paalala satin ng nawala nating ama "2 lang kayong magkapatid magmahalan at magalagaan kyo" dont worry kuya mahal na mahal kita at wala ng papantay p syo sa pagiging kuya..

goodluck sa entry mo and sa buhay may asawa.. god bless

A-Z-3-L said...

Thank you for joining PEBA.

Please grab the nominee badge (the black BG with Juan dela Cruz) at PEBA site.

Display it in your side bar... and be sure to link it to PEBA site.

You may still edit your entry until October 31.

Don't forget to ask your friends to vote.

All the best Noel!

Ilyana said...

bespren Noel,

Binoto na kita, kahit di ko ganong type mga kwento mo, hehhehehhe, joke...siempre wat are prens por kundi kita iboboto..

More power,

Ilyana

Life Moto said...

Nice story you have here bro. tungkol sa sinturon ay naalala ko tuloy ang binata ko na noon ay grade 4 pa lang. before ako makapunta ng saudi ay sadyang mabigat ang kamay ko sa kanya. the last na pala ko ay may latay pa sa likod na iniyakan ng byanan ko. I realized na hindi mo makukuha sa sinturon.

Sa moraliting issue ay kakabal na yan ng isang OFW. Faith and prayer ang makakaiwas sa atin.

Sa happening naman ay dapat aliwin din natin sarili natin.

Good luck sa entry mo bro. and have a nice day!

Reymos said...

Masarap isipin na maraming Pinoy sa iba't-ibang bansa ang gumagawa ng blog...Good luck!

Ken said...

Noel, just to remind you the proper logo to be inserted or attached in your post. Grab it from the homesite. The Support Banner is for sidebar, not as official logo for the entry. We don't want this to be a ground for disqualification during the judging period.

Anyway, thanks for your entry.